My recent illustration for Fixation. I'm still not finished with the story :(
CJ Dee's Cafe
Tuesday, June 30, 2015
Sunday, May 10, 2015
Samsa
ForMad universe/ Other untold stories
1
“Habang nabubuhay ka,
patuloy ang iyong paglakas… dahil doon ay magsisimula kang mabagot. Kahit puno
ka pa ng positibong pananaw sa mundo, matatalo rin iyon ng mga negatibong
ideya. ‘Di magtatagal ay ikaw na rin mismo ang maghahanap ng dahilan para ikaw ay
mamatay…”
Ang sabi ni ama, hindi ako dapat umiyak pero hindi ko
mapigil ang mga mata ko. Nalulungkot ako sa nangyari. Gusto ko pa siya makasama
nang mas matagal… hindi pa ako handa. Ngunit pinili ko ang iwan siya.
Tumungo ako sa lugar kung saan hindi ko na siya makikita
kahit kailan. Akala ko ay sapat na iyon, pero hindi hangga’t naaalala ko siya.
Kailangan ko ng nilalang na tutulong sa akin para makalimutan siya.
“Mag-uumaga na, Troy! Bilisan mo at baka maabutan pa tayo
ng sikat ng araw!”
May narinig akong sumigaw at nang lingunin ko ang
pinanggalingan niyon—sa bubungan ng isang simpleng bahay— ay may nasumpungan akong
isang dalagang nakatayo na mukhang may hinihintay.
Isa siyang madre. Nakasuot siya ng puting habito pero may
kaduda-duda sa kanya. Kahit pa malinis ang kanyang suot, hindi makakatakas sa
akin ang napakalakas na samyo ng dugo mula sa kanya.
Mayamaya pa ay may lumundag na isang binatilyo sa kanyang
tabi. Nahuli kong lumingon iyon sa gawi ko nang nanlilisik ang mapupulang mga
mata.
Mga kauri ko sila. Mas marami ang gaya nila sa panahong
ito kaya bakit pa ako mamamangha?
Bumaling ako sa ibang direksyon at ipinagpatuloy na ang
paglalakad.
Tama ang sinabi ng madre. Mag-uumaga na… maaabutan na ako
ng sikat ng araw… tama. Bakit ngayon ko lang naisip iyon? Hindi ko kailangan ng
kahit na sino para mawala ang lungkot ko. Ang kailangan ko lang ay magdesisyon.
Binilisan ko ang paglalakad. Naaamoy ko ang simoy ng
hanging-dagat mula dito. Kung hindi ako nagkakamali sa tantiya ko, doon ang
Silangan.
Sa tingin ko ay mawawala ang lahat ng pinoproblema ko sa
oras na mawala na ako nang tuluyan. Hindi ko na aalalahanin pa si Ama, at
tuluyan nang bubuti ang pakiramdam niya dahil wala nang pag-asang magkikita pa
kami.
Natigilan ako dahil mayroong umakbay sa akin mula sa
likuran. Naamoy ko na naman ang matinding halimuyak ng dugo.
“Ginoo, hindi mo ba iniisip ang magiging konsenkuwensya
ng gagawin mong iyan?” Pamilyar ang tinig na narinig ko. Siya nga iyong madreng
nakita ko na nasa bubungan kanina.
Nilingon ko siya. “Wala akong nakikitang masama sa—”
“Tama ang iniisip ko. Isa kang makasariling nilalang.
Tsk. Tsk.”
“Celestina, ano ba? May mga tao nang nagsisilabasan!”
Naiiritang sabi ng binatilyong nakasunod lamang sa kumakausap sa aking madre.
“Tara—”
Ikinabigla ko nang hinigit ng madre ang kaliwa kong braso
at hinila niya ako paliko sa isang madilim na eskinita.
“Pasadya ang mga ganitong ruta para sa mga katulad natin
na inuumaga sa daan. Masuwerte pa rin tayo at magtatapos na ang taon—mas mahaba
na ang gabi.”
“B-Bakit gusto mo akong—” hindi ko naipagpatuloy ang
itatanong ko dahil nilingon ako ng madre.
“Naiintindihan ko na. Isa ka marahil na dayo. Malaki ang
lungsod na ito, isa sa pinakamalaki dito sa bansa. Kailangan namin ang mga tao
para itaguyod itong lungsod at hindi nila
dapat malaman na may mga kagaya nating nabubuhay kasama nila. Kung pipiliin
mong magpatiwakal sa mata ng mga ordinaryong tao, para mo na rin kaming
ibinunyag. Hindi ko iyon mapapayagan.”
2
Natagpuan ko ang sarili ko na nasa loob ng isang kumbento ng isang basilica sa pagsunod ko kanila Celestina. Nasagot ang muni-muni ko kanina—kung bakit siya naging alagad ng Diyos.
Isa lang iyong palabas. Samakatuwid, ang pamunuan ng basilica, mula sa arsobispo ay pawang mga kauri namin. Mga bampira.
Kinokontrol nila ang mga tao sa bayang ito sa pamamagitan ng paggamit sa takot ng mga tao sa Diyos… gaya nga ng naikuwento na ni Ama.
Bukas ang Basilica para sa mga mananalangin. Mayroong mga piling pari, sakristan, madre, at iba pa na mga tao ngunit nababasa ko sa mga aura nila na sila ay kontrolado ng bampira para pakiharapan ang mga tao sa umaga.
Kami nina Celestina ay tumuloy sa bahagi ng Basilica kung saan hindi iyon puwedeng puntahan ng mga tao. Kung mayroon mang magawing tao doon ay hindi na marahil makakaalis nang buhay.
Ang bahaging tinutukoy ko ay may malaking tarangkahan ngunit hindi iyon para daanan at pasukan. Mayroon doong maliit na siwang, sakto para sa magkasya ang maliit na katawan ng mga bastardong sanggol na ipinaaampon ng mga babaeng nagbebenta ng aliw.
Kanina ay may nakita akong sanggol na kakakuha pa lamang ng isang madreng mukhang nauulol sa paglalaway. Malugod na tinatanggap ng Basilica na ito ang mga bastardo at hindi na nababalitaan kung ano na ang kalagayan nila. Ang kuwento ni Celestina, sa una pa lamang ay sinusuri na nila ang mga sanggol. Ang mga mahihina at mukhang sakitin ay magiging pagkain habang ang malalakas ay palalakihin at magiging alipin—na magiging pangmatagalang pagkain na rin.
Naaawa ako sa kahahantungan ng sanggol na nakita ko
ngunit wala ako sa posisyon na makialam sa komunidad na ito.
Sa pinakadulo at pinakamadilim na silid ng kumbento ako dinala nina Celestina. Sinalubong ako ng mabangong samyo ng dugo ngunit may kahalong amoy ng kamatayan at pagkabulok.
Gusto ko pa ngang umatras nang makasilip ako sa loob, ngunit mukhang huli na rin ang lahat dahil sa simpleng pagsunod lang kanila Celestina ay marami na akong nalamang sikreto.
Tinimbang ko ang sitwasyon. Gusto ko nang mawala kaya ano pa ang dapat kong katakutan?
Ininda ko na lang ang nakikita kong mangilang bampira na nakasalampak sa sahig at nagpipiyesta sa mga lamanloob ng isang dalaga. Saglit silang sumulyap sa akin pero agad din silang tumuon sa kanilang panginginain.
“Ang ilan sa mga bampira dito ay may sikmura para sa kanibalismo… kaya nakakatipid rin kami sa espasyo dahil buto na lamang ang inililibing namin,” sabi sa akin ni Celestina.
Itinuon ko ang konsentrasyon ko sa paligid. Nito ko lang napansin na hindi ordinaryong silid ang pinasukan namin. Mistula ditong isang bulwagan at sa pinakadulo ay may altar. Sa may pader ay nakasabit ang napakalaking krus na may imahen ng Hesukristong nakapako.
May mga bampirang nasa pedestal ng altar. Ang isa ay binatang nakaitim at prenteng nakaupo sa marmol na mesa habang ang isa ay matandang lalaki na nakahubo’t hubad at nanginginain sa bangkay ng isang dalaga na nasa kanyang kandungan habang siya ay nakaupo sa mala-tronong upuan.
Nagtama ang paningin namin ng binatang nakaupo sa mesa. Agad siyang tumayo. Kusa akong lumapit sa kanya nang hindi iniaalis ang aking paningin sa mga mata niya.
“T-Tiyo…” anas ko.
3
Sinalubong niya ako sa pinakagitna ng bulwagan. Siya na nga at hindi ako maaaring magkamali, ang aking Tiyo. Kung tutuusin ay kinagisnan ko na rin siya bilang magulang noong ako’y bata ngunit ayaw ni Ama na tawagin ko siyang ‘ama’ rin kung kaya’t Tiyo na lamang.
Ibang-iba siya kumpara sa nakagisnan ko…
Napatakip ako ng bibig ngunit huli na nang maisip ko ang mali kong ginawa. Bakit ko nga ba siya tinawag na Tiyo?!
Suminghot siya ngunit mahina lamang. “Mayroon kang dugo ng isang Claymore ngunit hindi pa kita nakikita kahit kailan at sigurado ako na hindi ka anak ng kahit na sino sa mga kapatid ko. Miyembro ka ng sanghay na pamilya?”
Marahan na lamang akong tumango.
“Ano ang iyong pangalan?”
Hindi ko maaaring ibigay sa kanya ang pangalan ko. Hindi rin naman niya ako kilala… dahil sa totoo lang ay nabuhay ako sa ibang panahon. Mula ako sa hinaharap, ilangdaan taon mula sa panahong ito.
“Peste. Gaano ba kamahal ang presyo ng pangalan mo?” Nasa tono na niya ang pagkainis.
“A-Ako si…”
May sumagi sa isipan ko. Isang alaala na kasama ko si Tiyo.
Tinatanong niya ako noon kung ano ang binabasa kong aklat. Sinabi ko na isang akda mula sa Alemang manunulat na nagngangalang Franz Kafka.
Tumango si Tiyo, ibig sabihin ay nabasa na rin niya iyon. “Naaalala ko ang aking pamangkin na si Samsa dahil sa pangalan ng bida riyan. Ngunit ang pamangkin kong si Samsa ay matagal ko nang hindi nakikita, may daantaon na rin ang nakalilipas…”
“Ako si Samsa, Tiyo…” Hindi ko mapigilang kilabutan kaya napaluha ako sa panggigilalas at hinawakan ko ang kamay ni Tiyo. Hindi ko akalaing ako pala ang ikinuwento niyang ‘pamangkin’ noon. Nagagalak ako dahil hindi siya madaling makalimot at kahit paano ay nagkaroon ako ng puwang sa alaala niya.
Masaya ako ngunit may hatid iyong kirot sa puso ko. Ilang daantaon kaming hindi na magkikita pagkatapos ng panahong ito at hindi ko babaguhin ang mga nakatakdang mangyari.
Siguro ay nakatakda na akong mawala. Dapat akong mawala. Tamang hindi ko ibinigay sa kanya ang tunay kong pangalan.
“Ano’ng nakakaiyak, Samsa?” Tanong ni Tiyo sabay bawi niya ng kanyang kamay.
Umiling ako. “H-Hayaan mo lang ako Tiyo…”
“Ah! Alam ko na… halata kong natatakot ka. Hindi ko rin naman ginusto ang nangyayaring patayan sa punong pamilya ng Claymore pero wala rin namang akong magagawa kundi patulan ang mga kapatid kong magtatangka sa akin. Hindi ka naman siguro nandito para kalabanin ako?”
Tumango lang ako.
“Kailangan mo ng proteksyon?”
Umiling akong muli. Hinawakan ko ulit ang kanyang kamay. “Tiyo… patayin mo na ako.”
“ANO?!” Hindi lang si Tiyo ang napatanong, dinig kong mangilan din ang kasabay niyang bumulalas.
Bahagya kong itinaas ang kanan kong kamay na nakabenda. “Mayroon akong malubhang sakit at sa palagay ko ay hindi ko na kaya. Nandito ako para mamatay.”
“Gusto nang magpatiwakal ng hangal na iyan, Panginoon,” singit ni Celestina sa usapan na sa pakiwari ko ay kanina pa nakikiramdam. “Nais niyang magpaabo doon pa sa gitna ng daan kung saan may mga ordinaryong tao na makakakita!”
“Tsk,” umingos sa akin si Tiyo. “Bakit ka pa umabot sa ganyang edad kung gusto mo rin lang magpakamatay? Hangal ka ngang talaga.”
Tumungo ako. Mas lalong nagtuloy-tuloy ang mga luha ko. “K-Kanina ko lang naisip ang ideya ng pagpapatiwakal… nang narinig ko mula k-Kay Celestina na malapit nang mag-umaga.”
4
“ANO?!” Sabay-sabay na naman silang bumulalas.
Kahit palaging sinasabi ni ama na mahina ang loob ko, alam ko sa sarili ko na kaya kong panindigan ang mga desisyon ko. Iyon ang bagay na itinuro niyang hindi ko makakalimutan. Pagkatapos ay hinahamak lang ako ng mga bampirang nandito?
Pinagkrus ni Tiyo ang kanyang mga braso. “Nararamdaman kong hindi ka basta-bastang bampira. Sigurado ka bang talaga?”
“Wala na akong dahilan para mabuhay, Tiyo. May mga tanong na hindi ko na mahanapan ng sagot. May mga bagay na tinatanggap ko nang hindi ko na malalaman pa.”
“Kung ganoon…” Iniunat ni Tiyo ang isa niyang braso. Nasaksihan ko ang paggalaw ng kanyang anino. Tila nagkaroon iyon ng buhay at nagawang umangat hanggang sa maabot ang dulo ng kanyang mga daliri at—
“Sandali!”
Walang hindi lumingon sa gawi ng altar kung saan umalingawngaw ang tinig ng matandang walang saplot.
Unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Sumailalim siya sa isang pambihirang transpormasyon. Mula sa pagiging matandang kulubot, bumata siya nang bumata hanggang sa palagay ko ay nasa kaparehong edad ko na siya. Alam kong lalake siya ngunit mula sa distansya ko, mukha siyang babae dahil sa hanggang baywang niyang buhok na naglalaro sa abo at itim ang kulay.
Umiwas ako ng tingin sa kahubaran niya—hindi ko alam ngunit bigla akong nailang.
Ikinamangha ko nang tumigil sa panginginain ang mga bampirang nagkalat sa bulwagan. Lahat sila ay tumingin sa gawi ng altar at nagsiluhod, maging si Celestina. “Santissima! N-Ngayon ko na lamang ulit masasaksihan ang tunay niyang anyo!”
Bukod sa akin, si Tiyo lamang ang hindi lumuhod. “Ano’ng problema, Lord Eros? Narinig mo naman ang gusto ng aking pamangkin.”
“Aapila ako, ginoong Div Umbra.”
Nanatili ako sa aking posisyon ngunit pinakikinggan ko pa rin silang maigi. Nakadama ako ng aura na papalapit sa akin. Papalingon pa lamang ako, mayroong malamig na kamay na humawak sa aking baba at ipinaling ang direksyon ng aking ulo.
“Walang dahilan para mabuhay? Kung bibigyan ba kita, hindi mo na pipiliing mamatay?”
Iyon ay walang iba kundi ang ginoong nagpalit-anyo. Mabuti na lamang at mayroon na siyang suot na roba kahit paano.
“Lord Eros? Seryoso ka ba?”
Itinaas ng ginoo ang isang kamay para pigilin ang iba pang sasabihin ng aking Tiyo. “Hayaan mong sagutin niya ang tanong ko. Sayang ang nilalang na ito. Hindi mo ba nararamdaman na espesyal siya?”
Espesyal… ako? Para sa bampirang ngayon lamang ako nakita? Bakit?
“B-Bakit ako espesyal?” Tanong ko.
Ngumiti nang makahulugan ang ginoo. Mas lalo lamang akong nahiwagaan. “Kung gusto mong malaman, pumanig ka sa pamunuan ko. Sinabi mong may mga tanong kang hindi mo mabigyan ng kasagutan… puwedeng ako ang magbigay sa iyo ng lahat ng sagot na kailangan mo.”
Bumaling siyang muli sa aking Tiyo. “Ano sa palagay mo, ginoong Div Umbra?”
Nagkibit-balikat lamang si Tiyo. “Sabagay. Isa rin siyang Claymore. Kaysa ako ang buwisitin mo, siya na lamang ang kaibiganin mo. Aalis na ako. Hahanapin ko pa ang lungga ni Oberon.”
Walang-lingon likod na naglakad palayo si Tiyo bago siya tuluyang naglaho nang makasanib sa mas madilim na parte ng bulwagan.
Paalam, Tiyo.
“Itinuturing kong kaibigan si Div Umbra Claymore, kahit hindi niya ako itinuturing na ganoon. Isa siyang barbaro kaya bihira sa isang dekada kung magkita kami.”
“Barbaro?” Maang kong tanong.
“Ha-Ha! Wala kang iniwan sa isang bagong-silang, Samsa. Ang mga bampira ay mayroong monarkiya. Kabilang ako sa mga maharlika. Samantalng ang iyong tiyo ay walang kinikilalang pamunuan.”
Nanlaki ang mga mata ko. “I-Isa kang maharlika?!”
Ang monarkiya ng mga bampira… sa mga kuwento at libro ko na lamang naeengkuwentro ang tungkol doon… ngunit ngayon…
“Ako si Lord Eros Seton. Isa akong Konde na nasa pinakamataas na antas o iyong tinatawag na Morpher. Ang anyong nasaksihan mo kanina ay isa sa mga balatkayo ko. Ito ang orihinal kong hitsura.”
5
“Upang maging ganap na alagad ng aking panginoon, dapat mong ibigay ang iyong dugo,” turo sa akin ni Celestina habang binabagtas namin ang mahabang pasilyo patungo sa silid ng mahal na Konde. “Iyon ang seremonyang pagdaraanan mo ngayong gabi,” aniya pa.
Si Celestina ang tumatayong knight ni Lord Eros at talagang namangha ako. Siguro ay hindi matatawaran ang galing niya sa isang tunay na labanan.
“Nandito na tayo,” anunsyo niya paghinto namin sa tapat ng isang malaking pinto na mayroong malaking disenyo ng simbulo ng basilica. Kumatok ng tatlong beses si Celestina bago niya iyon binuksan para sa akin. Kumapit ako sa braso niya ngunit inialis lamang niya ang aking kamay. Hindi na siya pumasok sa loob at isinara ang pinto.
Hinarap ko ang mahal na konde na nakaupo sa isang silya. Sa magkabilang gilid niya ay may nakatayong dalawang babaeng tagasilbi. Nang tumayo siya, hinubad ng mga tagasilbi ang suot niyang roba. Umiwas ako ng tingin. Bumaling ako sa tanawin sa bukas na bintana.
“Iwan niyo na kami,” narinig kong utos niya sa kanyang mga tagasilbi. Mula sa gilid ng aking mga mata, nakita ko ang pagtungo ng mga tagasilbi sa pintuan at narinig ko ang pagbukas-sara ng pinto.
Napaatras ako nang pakiharapan ako ng mahal na konde. Ang mga mata niya ay nag-aalab habang mataimtim na nakatitig sa akin. Nito ko lang napansin na mas matangkad ako sa kanya kaya kailangan niya akong tingalain. “Masanay ka na sa aking kahubdan. Ito ang nakasanayang ritwal ng aming pamilya sa tuwing umiinom ng dugo. Naniniwala ang aking mga ninuno na ang tinatanggap naming dugo, hindi man masalo ng aming bibig ay marapat mapunta sa aming balat at hindi sa kahit anupamang tela. Ganoon ang pagpapahalaga ng angkang Seton sa dugo. Sa totoo lang ay ako na ang pinapasuwail sa aming tradisyon. Ang iba kong mga pinsan ay naliligo pa sa dugo.”
Mayroon akong napulot na bagong kaalaman mula sa mahal na konde ngunit hindi niyon naibsan ang kaba ko. Kahit kailan ay wala pang ibang nakakalapit sa akin nang ganito. Hindi ako pinapalapitan ni Ama kung kani-kanino liban kay Tiyo. At hindi rin naging ganito kalapit sa akin si Celestina.
Marahang humipan si Lord Eros sa hangin. Isa-isang namatay ang mga sindi ng bawat kandelabrang nakapalibot sa buong silid niya hanggang sa binalot kami ng kadiliman. Sinimulang niyang luwagan ang suot kong kurbata. Nalaglag iyon sa sahig. Isinunod niyang alisin ang butones ng aking kamisa. Hindi ko alam ang dapat kong gawin nang haplusin niya ang aking leeg. Natatakot ako kaya napapikit na lamang ako nang makita ko ang mahabang pangil ng mahal na konde nang ibinuka niya ang kanyang bibig.
Naghintay ako ngunit walang nangyari. Ang naramdaman ko lang ay hinawakan niya ang aking kamay kaya nagdilat ako. “Kakatwa ka talaga. Halatang hindi ka pa nakakagat ng kahit sino… Hindi ko alam kung maigi ba o hindi ang ginawang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang. Anupaman, hindi ka dapat nagpapakita ng takot sa kahit na sinong kaharap mo. Lalong hindi ka dapat lumuluha, Samsa.”
Sumirit ang dugo mula sa aking kamay nang kagatin iyon ni Lord Eros.
Sa unang pagkakataon ay may kumuha ng aking dugo, isang nilalang na nanghinayang sa walang kuwenta kong eksistensya.
Kahit sa palagay ko ay puno siya ng kasamaan, pagpalain nawa siya ng tadhana.
6
Nakagayak na si Lord Eros nang muli siyang lumapit sa akin. Nasa kuwarto pa rin niya ako at namimintana.
“Bakit hindi ka pa bumabalik sa iyong pagbabalatkayo? Hindi ba ikaw ang tumatayong arsobispo ng bayang ito?”
Sumenyas si Lord Eros sa isa sa mga nakaabang na tagasilbi at iyon ay walang pag-aatubiling lumapit. Nang hawakan siya ni Lord Eros sa braso, kaagad na kumulo ang balat niya. Nakita ko ang pagbabago sa kanyang anyo—mula sa isang maganda at batang binibini patungo sa isang matandang lalakeng kulubot.
Ngumiti lamang si Lord Eros nang mapatingin ako sa kanya. “Sinabi ko na sa iyo na nasa mataas na antas ako ng pagiging Konde. Maaari kong gamitin ang kapangyarihan ko sa ibang mga bampira at pati na rin sa mga tao. Sa araw, may isang tao na nagbabalatkayo bilang arsobispo kapag mayroong misa.”
“Ang dinig ko mula kay Celestina, matagal na nilang hindi nakikita ang tunay mong anyo…”
Sinenyasan ni Lord Eros ang mga tagasilbi. “Lumabas kayo.”
Nang makalabas na ng silid ang mga tagasilbi, sinapo niya ang aking mga pisngi. “Sa totoo lang ay mas gusto ko ang anyo ng matandang Arsobispo kumpara sa anyong ito. Noong bata ako, palagi akong napagkakamalang babae at talaga namang nakakapangyamot. Napilitan akong magsuot ng mga kamisa na bukas ang harapan para lang ipangalandakang lalake ako. Nang tumataas pa ang antas ng kapangyarihan ko, nagagawa ko nang iretoke ang aking mukha…”
“Nang makita kita na umiiyak sa harap ng maraming bampira, inaamin kong napahanga mo ako. Isa kang hangal ngunit totoo ka sa iyong emosyon. Napaisip mo ako tungkol sa pagbabalatkayo ko. Napapaniwala ko ang lahat sa kasinungalingan ko pero sa huli, wala akong ibang niloloko kundi ang sarili ko lang din.”
“G-Ganoon ba…” Wala akong ibang maisip na sabihin sa kanya sa mga oras na ito.
“Hmm? May nakikita ka bang masama sa tunay kong anyo? Ang hula ko lang ay mas makakapalagayang-loob mo ako kung ganito ako.”
“Ahh! W-Walang mali sa iyo.”
“Mabuti kung ganoon.” Pinansin ni Lord Eros ang nakabenda kong kanang kamay. Hinawakan pa niya iyon. “Gusto kong makita kung ano ang sinasabi mong karamdaman.”
Nag-alangan ako. “W-Wala pang nakakakita nito kahit na sino, maging si Ama.”
“Samsa,” marining binigkas ni Lord Eros ang pangalan ko. “Tinaggap ko ang iyong dugo. Ibig sabihin ay tinatanggap ko ang lahat sa iyo. Bilang panginoon mo, inoobliga kitang ipakita sa akin ang iyong braso. Nangako ako sa iyo na sasagutin ko ang lahat ng iyong mga katanungan. Malay natin at baka mayroon pang lunas diyan… o gusto mo pang sapilitan kong tingnan iyan?”
Bumuntong-hininga ako bago ko sinimulang alisin ang benda ng aking braso. At ilang saglit lang ay halos sirain na ng aking panginoon ang benda sa unang sulyap niya sa puting ugat na nasa aking braso. Nagsanga-sanga iyon sa mas maliliit pang ugat hanggang sa likod ng aking palad.
Ang mga daliri ko ay kasimputi na ng papel na may mga tuldok-tuldok na kulay asul. Sa tingin ko ay mas humaba pa ang aking mga puting kuko na kahit anong gawin kong konsentrasyon ay hindi ko na mapaliit. Sinubukan ko silang putulin noon ngunit namilipit naman ako sa sakit.
“Ang ganda…” manghang sabi ni Lord Eros.
Nanlaki ang mga mata ko. Parang hindi ako makahinga dahil sa pagbilis ng tibok ng puso ko. Sabi ni Ama noon, ganito raw ang unang senyales ng kasiyahan.
Ito na nga yata iyon. Sumaya ako dahil ang itinuturing kong abnormalidad ay pinuri ng aking panginoon.
Hinawakan ko ang nakabenda kong kamay. Ang sabi ng mahal na Konde, wala akong karamdaman. Nagkakaroon lamang ng pagbabago sa aking katawan para umakma sa pagsibol ng aking kapangyarihan...
7
“Ano ang iyong kapangyarihan?” Usisa sa akin ni Celestina habang hinihintay namin sa karwahe ang mahal na Konde. Kabilugan ngayon ng buwan at may dadaluhang buwanang pagtitipon ng mga maharlika ang aming panginoon.
“Hindi ko pa rin alam hanggang sa ngayon,” sagot ko.
Tinapunan ako ng Celestina ng tinging may halong pagdududa. “Isa kang Claymore, hindi ba? Si ginoong Div Umbra ang kumumpirma niyon. Tiyak na kaya mong manipulahin ang mga anino.”
“H-Hindi ako sigurado tungkol doon…” bulong ko.
“Kung walang nakikitang potensyal sa iyo ang mahal na Konde, ‘di sana ay hinayaan ka na lang niyang mamatay…”
Hinawakan ko ang nakabenda kong kamay. Ang sabi ng mahal na Konde, wala akong karamdaman. Nagkakaroon lamang ng pagbabago sa aking katawan para umakma sa pagsibol ng aking kapangyarihan...
Natigil ang aming pag-uusap nang bumukas na ang pinto ng karwahe. Inalalayan ng kutsero si Lord Eros na makasakay. Tumabi siya sa akin.
“Lord Eros… sigurado po ba kayo na dadalo kayo sa pagtitipon nang ganyan ang anyo? Tiyak na magiging sentro kayo ng atensyon niyan!” Agad na tinanong ni Celestina ang mahal na Konde.
Marahang ngumiti si Lord Eros. “Ayos lang.”
Mukhang tama ang hula ni Celestina. Kaagad pinagtinginan ang aming grupo pagdating namin sa bulwagan ng pagtitipon.
Hindi ko maiwasang kilabutan habang pinagmamasdan ang dami ng mga bampirang nandirito ngayon at hindi sila basta-basta. Ilan kaya sa kanila ang mga Duke? Marquis? Konde, at iba pa?
Nagpalinga-linga pa ako sa paligid. Dumalo kaya si Tiyo?
Si… Ama?
Umiling-iling ako. Imposibleng magkita pa kami ni Ama kahit pa dumalo nga talaga siya rito.
“Dito tayo, Samsa,” yakag sa akin ni Celestina sa isang bahagi ng bulwagan samantalang si Lord Eros ay nagpatuloy sa paglalakad. Inakyat niya ang ilang baitang ng hagdan tungo sa mas mataas na bahagi ng bulwagan.
“Hanggang dito lamang ang mga Knight at iba pang kasama ng mga maharlika.”
Tumango ako. Humawak ako sa braso ni Celestina para makampante ako. Hindi ako makapmpante dahil halos lahat ay nakatingin sa amin.
“Lady Celestina! Sino iyang kasama mo?” Mayroong isang binatang lumapit. Nakasuot siya ng puting amerikana at may hawak na kopita.
“Bagong tagapayo ng aking panginoon.“
“Tagapayo ako?” Bulong kong tanong kay Celestina.
“Tatatlo lamang ang taguri sa mga bampirang nagpapasakop sa isang maharlika. Ang posisyon ng Knight ay laan lamang para sa iisang bampira. Ngayon, mamili ka kung ikaw ay isang tagasilbi o tagapayo?”
“T-Tagapayo…” Marahan kong ulit. Ngunit imposible akong maging tagapayo. Wala akong kahit na anong karanasan na maibabahagi sa mahal na Konde.
Naging abala si Celestina sa pagkausap sa iba pa niyang mga kakilala at hindi ko na masundan ang usapan. Sumandal na lamang ako sa balustrahe at tinanaw ang mahal na Konde.
Sa kasalukuyan ay mayroong kausap ang mahal na Konde na isang binatang mas matangkad pa kaysa sa kanya. Kung titingnan, parang matagal na silang magkakilala. Nakahawak kasi ang binata sa isang balikat ni Lord Eros.
Hindi ko kayang pakinggan kung ano ang pinag-uusapan nila ngunit nakikita ko sa mukha ni Lord Eros na hindi siya kumportableng kausap ang binata. Mayamaya ay hinila siya niyon palayo.
Sinundan ko sila ng tingin. Patungo sila sa isa sa mga arko palabas ng bulwagan. Hindi na ako nagpaalam kay Celestina nang umalis ako para sundan ang aking panginoon.
8
Sana ay hindi nila ako mapansin kahit sa pagkakaalam ko
ay mas matalas ang pandama ng mga maharlika. Sinundan ko sila hanggang sa may laberinto de setos ng mansyon at nagtago
sa likod ng mga palumpong nang huminto sila sa tapat ng napakalaking fuente na
may estatwa ng isang hindi kilalang anghel.
“Mahal na Duke, hindi ito ang tamang panahon para
pag-usapan natin ang mga bagay na gusto mo. Naririto ako para makadaupang-palad
ang mahal na prinsipe at nasisiguro kong ganoon ka rin,” ang dinig kong sabi ni
Lord Eros.
Isang Duke ang kausap niya, ibig sabihin ay higit iyong
makapangyarihan kaysa sa kanya. Gaano naman kamakapangyarihan? Kasinglakas ba
siya ni Ama at ni Tiyo?
Sinapo ng Duke ang baba ng aking panginoon. “Ang akala ko
ay hindi na darating ang gabi na muli kong makikita ang mukhang iyan. Maaari ko
bang malaman kung ano ang nakapagpabago ng iyong desisyon? Hindi naman siguro dahil mag-aasawa ka na?”
Pilit na inalis ni Lord Eros ang kamay ng Duke ngunit
masyado iyong malakas kaysa sa kanya. “Salamat sa iyo at nawalan na ako ng
interes sa pag-aasawa. Hindi ko malilimutan na lahat ng babaeng lumalapit o
napapalapit sa akin ay tinatakot mo. Ngayon ay nasanay na akong si Celestina na
lamang ang babaeng nakakausap ko.”
Inalis nga ng Duke ang kamay niya sa baba ni Lord Eros,
marahas naman niyang niyugyog ang balikat ng aking panginoon. “Magbitaw ka na sa iyong posisyon at sa akin
ka magpakasal.”
Malinaw ang narinig kong sinabi ng Duke. Gusto niyang
magpakasal sa kanya ang aking Konde? Posible ba iyon kung pareho sila ng
kasarian?
Ama, bakit wala
kang naituro tungkol doon?
“NAHIHIBANG KA NA, LORD TRITON!” Sigaw ni Lord Eros.
“AKO LANG BA? HINDI BA’T BINABALIW MO ANG SARILI MO SA
LOOB NG ISANG BASILICA KASAMA NG MGA ABNORMAL NA MGA BAMPIRA?”
Hinawakan ng Duke ang kuwelyo ng suot na pang-itaas ni
Lord Eros. Nakarinig ako ng pinunit na tela. Nakita ko ang kahubdan ng aking
panginoon hanggang sa kanyang pusod. “Isa kang Morpher. Palitan mo ang iyong
katawan ng pambabae!”
“SUMOSOBRA KA NA!” Sigaw ni Lord Eros. Pagtaas niya ng
kanyang braso, umusli palabas ang mahaba niyang buto. Sinugod niya ang duke
ngunit nabigo siya. Humampas sa kanya ang isang pader na gawa sa tubig. Kinontrol
ng Duke ang tubig na nasa fuente.
Hindi pa doon natapos ang asunto ng Duke. Ang pader ng
tubig ay unti-unting kinulong ang katawan ni Lord Eros.
Tumakbo ako palapit sa aking panginoon kahit hindi ko
alam ang gagawin ko. Wala akong kahit na anong kapangyarihan para labanan ang
kapangyarihan ng Duke.
“L-Lord Eros!” Sinubukan kong abutin ang katawan niya
ngunit hindi makapasok ang kamay ko sa loob ng tubig.
Kitang-kita ko ang paghihirap niya sa loob dahil hindi
siya makahinga hanggang sa mapapikit na siya. Doon parang lumambot ang tubig.
Bumuhos na lang iyon na parang ulan kaya nakalaya na si Lord Eros. Sinalo ko
siya.
“Hoy, ikaw! Tagasilbi ka ba niya?”
Nilingon ko ang Dukeng may kagagawan ng paghihirap ng
aking panginoon.
“Huwag mo akong titingnan nang ganyan. Wala naman akong
balak patayin ang amo mo. Tinuturuan ko lang siya ng leksyon sa pagsuway sa may
mas mataas na ranggo kaysa sa kanya. Ang mabuti pa ay ihatid mo na siya pabalik
sa kanyang tahanan.” Pagkasabi nu’n ay tumalikod na ang duke.
9
“Lord Eros…”
Hindi siya nagmumulat ng mga mata. Humagulgol ako habang
pinagmamasdan ko siya. Nagbigay-daan sa amin ang mga bampirang nakakasalubong
namin habang papasok na muli sa bulwagan.
“Ang sama niya. H-Hindi niya iyon dapat ginawa sa iyo.”
Walang ginagawang masama si Lord Eros sa Duke na iyon.
Bakit niya kailangang ilagay sa bingit ang buhay ng aking panginoon?!
Ang sama, sama niya
talaga!
Kailangan niyang maparusahan. Gusto ko siyang
maparusahan. Kung malakas lang ako para—
“Ang sama niya…”
“Ang sama niya…”
Napaangat ako ng paningin. Maraming mga bampira ang
nakatingin sa akin. Nakakadama ako ng hindi maipaliwanag na simpatya mula sa
kanila. Nagsalita ba ako nang malakas?
“Kailangan niyang
maparusahan,” anang isang maharlikang lumapit sa akin.
“Oo, kailangan niyang maparusahan…” pagsang-ayon ko. “Sa
palagay ko pa nga ay hindi sapat ang buhay niya para pagbayaran ang ginawa niya
sa aking panginoon…”
Parang bumuti ang pakiramdam ko. Hindi malupit ang lahat
ng maharlika. Ikinagagalak ko na binibigyan nila ng simpatya ang isang gaya ko.
“Parusahan…
Paslangin…” Nilagpasan ako ng maharlikang lumapit sa akin.
“Parusahan…
Paslangin…”
“Parusahan… Paslangin…”
Kakaiba na ang ikinikilos ng mga maharlika. Lahat sila ay
patungo sa isang parte ng bulwagan.
Wala na kaong balak makiusyoso. Mahalagang makauwi na
kami sa lalong madaling panahon. Tinawag ko si Celestina na may balak rin
yatang umakyat sa lugar ng mga maharlika gaya ng iba pang Knight.
May kakaiba rin kay Celestina. Iba ang tingin ko sa mga
mata niya. Wala rin siyang masyadong sinabi ngayon, basta sumunod lang siya sa
amin hanggang sa makabalik kami sa aming karwahe.
“Samsa, umiyak ka na naman?” Pagbaba namin ng karwahe sa
tapat ng kumbento, nakapagtatakang ngayon lang ako pinansin ni Celestina. “Ang
laki mong lalake pero iyakin ka!”
Tumungo ako at pinagmasdan ang panginoon kong walang
malay sa aking bisig. “Nalulungkot ako dahil wala akong magawa para kay Lord
Eros.”
Ngayon lang ako naawa nang husto sa isang bampira na
maharlika pa. Hindi ko nakitang walang kalaban-laban si Ama o si Tiyo kahit
kailan. Prinotektahan nila ako nang napakatagal at naging bulag ako sa iba pang
kalungkutan ng mundo.
“Ano ba ang nangyari?” Tanong ni Celestina.
“M-May isang duke na—”
“Ah! Si Lord Triton! Ang damuhong Duke na iyon ay
kababata ni Lord Eros. Mayroon siyang kakaibang obsesyon para sa mukha ni Lord
Eros. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit pinili ni Lord Eros na magbalatkayo
bilang isang matandang uugod-ugod.” Marahang hinaplos ni Celestina ang pisngi
ng aming panginoon.
“Hindi ito ang pinakamalalang ginawa ng Duke na iyon kay
Lord Eros—Hay, huwag na nating pag-usapan. Halika na at dalhin na natin ang
mahal na konde sa kanyang silid. Tatawag ako ng manggagamot.”
Nabawasan ang lungkot ko nang sabihin ng tuminging
manggagamot kay Lord Eros na ayos lamang siya. Nakiusap ako kay Celestina na
bantayan siya hanggang sa siya ay magkamalay.
Mariin kong hinawakan ang malamig na kamay ng aking
panginoon. Gusto ko siyang protektahan. Gusto ko siyang makitang kasingtatag ni
Ama at ni Tiyo.
Nagkaroon ako ng
dahilan para magtagal pa sa mundong ito.
10
Naalimpungatan ako dahil sa isang marahang yugyog.
Pag-angat ko ng ulo, nakangiting mukha ng aking mahal na Konde ang bumungad sa
akin.
“Sinasabi ko na nga ba at tama ang hinala ko tungkol sa
iyo, Samsa…”
“T-Tama?” Bigla akong kinabahan. Alin sa mga bagay na
hindi ko pa nasasabi sa kanya ang kusa niyang nalaman? Masama ba iyon?
Sumeryoso si Lord Eros at mas lalo iyong makadagdag sa
aking takot. “Ang mga matatandang bampira ay hindi na nakakatulog pa. Ano ang
tunay mong edad, Samsa?”
“L-Labing isa…”
Hindi ko gustong ipaalam sa kanya ang tunay kong edad ngunit ayoko namang
magsinungaling.
“M-Mabilis na lumaki ang pisikalidad ko at alam kong
hindi iyon normal. Iyon ang naisip kong dahilan ng paglayo ng loob sa akin ni Ama.
Halos ayaw na niya akong harapin.” Napakuyom ako ng palad, pinipigilan kong
kuwag maiyak. “Kahit hindi niya sinasabi, nararamdaman kong namumuhi siya sa
akin… k-kaya umalis na ako sa poder niya.”
“Mas maigi kung kinausap mo ng masinsinan ang iyong ama.
Saan ba ang kanyang mansyon?”
Umiling ako kay Lord Eros. “Iba ang aking Ama… at h-hindi
na kami puwedeng magkita kahit kailan.”
“Bakit hindi?” ang panibagong tanong ni Lord Eros sa
akin.
Ayokong magsinungaling ngunit ayoko nang magkuwento
tungkol kay Ama. Nandirito ako para tuluyan na siyang makalimutan. “H-Hindi ba,
pag-aari mo na ako? K-Kaya imposible na talaga…”
“Ahh…” Natapik niya ang kanyang noo. “Oo nga naman.”
Lihim akong nabunutan ng tinik dahil tinanggap niya ang
paliwanag ko. Hinimas niya ang aking ulo. “Ako na ang tagapag-alaga mo. Ako na
rin ang gagabay sa iyo hanggang sa maabot mo na ang tamang maturidad ng iyong
kaisipan. Huwag ka nang masyadong malungkot.”
Ngumiti ako sa kanya. Gusto kong ipakita ang pagkalugod
ko sa pagmamalasakit niya sa akin.
Saglit na natigilan si Lord Eros. Bumaling siya sa
direksyon ng bintana. Nasumpungan ko rin ang pagpapalit ng kulay ng kanyang mga
mata.
Paglipas ng ilang minuto, mariin siyang napapikit. “May masamang
ibinalita ang mga paniki.”
“Paniki? Naiintindihan mo ang mga paniki?”
“Iyon ay bansag lamang sa mga mensaherong bampira na may
kakayahang makipagtalastasan sa isip. Mayroon silang opisina at ang mga
nagbabayad sa kanila lamang ang pinapadalhan nila ng kanilang mga nalalaman.”
“Tungkol saan ang ibinalita sa iyo ng mga paniki?”
“Ang pagtitipon kanina. May nangyari daw roong gulo…
naging kakatwa ang kilos ng ilang mga maharlika at inatake si Lord Triton—isang
Duke na kakilala ko. Pumanaw na raw siya. Pinag-iisipan ngayon ng konseho kung
ano ang magiging parusa ng mga maharlikang kumuyog sa kanya.”
Pumanaw na ang Duke na nanakit kay Lord Eros. Hiniling ko
na mangyari iyon ngunit hindi ko inaakala na magkakatotoo nga. Hindi ito ang
unang beses na nagkakaroon ng katuparan ang mga bagay na iniisip ko lang na
mangyari.
“Samsa…” Pinukaw ni Lord Eros ang aking pansin.
“Ano iyon?”
Muli niyang hinaplos ang ituktok ng aking ulo. “Mag-iingat
ka. Hindi sa lahat ng oras ay dapat kang magtiwala sa dikta ng iyong puso.”
Hindi ko gaanong naiintindihan ang payo sa akin ni Lord
Eros ngunit sumagot pa rin ako ng “Tatandaan ko iyan.”
11
Nakahiga ako sa gitna ng napakalaking kama ng isang
madilim na silid pampanauhin ngunit mulat na mulat ang aking mga mata.
Isang pigura ang bigla na lang nagmanipesto sa paahan ng
aking kama. Nanatili lamang ako sa aking pagkakahiga dahil nakikilala ko siya. Siya
ang nilalang na nagdala sa akin sa panahong ito.
“Sa akala mo ba ay hindi ko malalaman na binalak mong
magpatiwakal? Wala yata iyon sa ating usapan…” aniya habang dahan-dahan siyang
sumampa ng kama at tumunghay sa akin.
“P-Patawad, mahal na orakulo… H-Hindi ko alam ang gagawin
ko kaya—”
“Shhh…” Pinatahimik niya ako. Hinagod niya ang aking
buhok. “Ayos lang, Samsa.”
“T-Tinawag mo akong Samsa…”
“At bakit hindi? Iyon ang pangalan mo dito.”
“B-Bakit ka nga pala nandito?” Pag-iiba ko sa usapan.
Sa gitna ng kadiliman, sumilay sa kanya ang isang ngiti. “Gusto
ko lang kamustahin ang iyong kalagayan. Nakikita kong mabilis kang nasasanay sa
pamumuhay sa panahong ito. Marami ka bang natutunan?”
Tumango ako. “N-Nasa pangangalaga ako ngayon ng isang
Konde, mahal na orakulo. Siya ang namamahala sa lugar na ito. Marami siyang mga
kaalamang ibinabahagi sa akin.”
“Oh… halata ko sa iyong mukha ang pagkagiliw para sa
Konde…” Nagpatuloy siya sa paghagod sa aking buhok. “Samsa… ano kaya kung ikaw
naman ang mangalaga sa Konde na iyong kinagigiliwan?”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” Maang kong tanong.
“Hindi ba… nakita mo naman kung gaano siya kahina? Kailangan ka niya. Gabayan mo siya sa
mga dapat niyang gawin…”
Kailangan ako ni
Lord Eros…
Bumaba sa pisngi ko ang kamay ng mahal na Orakulo. “Hindi
totoong wala kang alam, Samsa. May kahinaan ang bawat nilalang, marami lang ang
magaling magtago niyon.”
Lahat ng nilalang
ay may kahinaan…
“Naiiba ka sa mga nilalang naririto. Lahat ng desisyon mo
sa mundong ito ay tama, iyon lang ang dapat mong isipin.”
Lahat ng desisyon
ko ay tama…
Daig ko pa ang namalikmata nang sa isang iglap ay nawala
na lamang na parang bula ang kausap kong Orakulo. Napabangon ako.
Kahit wala si Ama sa tabi ko, may mga nilalang na
nagmamalasakit pa rin sa akin. Napakasuwerte ko. Susubukan kong sundin ang mga
sinabi ng Orakulo.
Para akong nangalay kaya muli akong nahiga. Nagkaroon ako
ng hindi kumportableng pakiramdam sa aking likuran. Para akong tinusok ng kung
anong matalas na bagay. Saglit rin akong nakaramdam ng malamig na sensasyon
bago ako namilipit sa sobrang sakit.
Dinama ko ang bahagi ng likuran ko na nananakit.
Abut-abot ang buntong-hininga ko dahil may nasasalat akong kakaiba.
Tuluyan akong tumayo ng kama. Binuhay ko ang ilaw sa
kandelabrang nasa mesita bago ako lumapit sa malaking salamin. Hinubad ko ang
suot kong kamisa at sinipat ang repleksyon ko sa salamin.
Kinain ako ng takot nang makita ko ang maputing ugat na katulad ng tumubo sa kanan kong braso. Nagtatapos ang pagsasanga-sanga ng ugat sa
umusling buto sa aking likuran.
Napasalampak ako sa sahig.
Sinabi na ng mahal na Konde na hindi ko dapat alalahanin
ang penomenang ito ngunit hindi ko maiwasang mabahala. Darating ba ang araw na magiging isa akong halimaw?
Sunday, May 3, 2015
Friday, March 13, 2015
Sunday, March 1, 2015
The Undead Teaser
** This is just a teaser. I may continue writing months from now (Sorry, I am still writing 2 more on-going novels). http://thenecromancerbin.weebly.com/
The Undead
by CJ Dee
(A Sequel to The Necromancer)
Kabanata Isa
Isang magandang tanawin ng mga kristal sa ilalim ng bayan
kung saan ako nagmula; Isang malaking uka na sumira ng maraming buhay at
samahan. Dito ko piniling tapusin ang lahat at ang akala ko ay pareho kami ng
kagustuhan ni Linus.
Bigla niyang binitawan ang kamay ko nang nasa pinakadulo
na kami ng bangin. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang tubig at ang
mga kristal na nasa ilalim.
Sinubukan kong muling hawakan ang kamay ni Linus ngunit
hindi iyon nangyari.
Nagbago na naman ang kanyang aura. Hindi ko maiwasang
matakot sa mga mata niyang mabalasik. Lumikot ang mga mata ko habang pinipilit
kong manatiling kalmado. Iniisip ko kung ilang hakbang ang kailangan upang
makabalik ako sa hagdanan at kung gaano kabilis.
“Iniisip mo bang takasan ako, Nero?” Nakangiting tanong
na akin ni Linus.
Humakbang ako ng isa paatras. “Sabihin mo nga kung paano
mo nalalaman ang iniisip ko? Kakayahan ba iyon ng mga Nigromante? Likas ba o
obligasyon?”
Umiling-iling si Linus. Sa isang hakbang lang niya ay
nagkalapit na kaming muli. Hinawakan niya ako sa aking braso. “Bakit mo naman
ako tatakasan? Ikaw ay alipin ko. Akin ka. Ano’t nagmamatigas ka na naman?”
“Hindi mo sinagot ang tanong ko kaya wala akong pakialam
sa tanong mo.”
Nagkunot-noo si Linus. “Hindi ba sinabi ko na? Ayokong pag-usapan
natin ang mga bagay na patungkol sa Nekromansiya?”
“Sinungaling ka kaya puwede rin akong magsinungaling,
tama? Bitawan mo ako. Binabawi ko ang lahat ng sinabi ko. Wala akong isang
salita kaya hindi ka dapat naniniwala sa akin. Hindi ko masisikmura na maging
alipin ng isang tulad mo. Mas gugustuhin ko pang matusta sa sikat ng araw kaysa
ang maging pag-aari mo.”
Sa mga sinabi ko, sigurado kong nainis ko si Linus.
Nakita kong nagtagis ang kanyang bagang. “Nero… ginagawa ko ang lahat para
hindi ka masaktan.”
“Hindi ako marunong masaktan kaya manahimik ka at
pabayaan mo na ako.”
Marami pa akong naiisip na masasakit na magandang sabihin
sa kanya pero natigilan ako at nablangkong muli nang bigla niya akong niyakap.
“Nagbago na ang isip ko… gusto na kitang saktan at hindi
ko na pipigilan pa ang sarili ko,” bulong sa akin ni Linus sa malamig na tono
ngunit hindi ako nababahala. Sa paanong paraan niya ako masasaktan? Wala akong
maisip kaya naghintay ako.
“Si Tandang Eleazar… hindi siya namatay dahil sa
katandaan. Pinatay ko siya,”
nanatiling pabulong ang pagsasalita ni Linus.
“Naisip ko na rin iyan,” kalmado ko namang sabi. Hindi ko
na kailangang kumpirmahin na ginawa niya iyon para lang makalapit sa akin tutal
alam na alam ko nang ibang klase ang kanyang obsesyon. Mapanirang obsesyon.
“Pinatay ko siya
dahil gusto kong mapasaakin ang kanyang Guren.”
Wala pa sa aktwal na katotohanan ang sinabi ni Linus pero
nagsimula na akong mabahala.
“Nero, pag-usapan natin ang mga nalaman mo sa kasaysayan
ng Nekromansiya… Alam mo bang ang mga pinakamataas na nigromante ay sinasabi
nilang may kakayahang makipagtalastasan sa mga ispirito?”
“A-Alam ko. N-Nabasa ko…”
“Hmm? Kinakabahan ka ba? Huwag ka munang masyadong
nag-iisip. Hindi pa ako tapos sa sinasabi ko… Ah! Alam mo ba kung paano nila
napapanatili sa kanilang tabi ang ispiritong gabay? Kinakausap sa hangin na
parang multo?”
“Wala akong nabasang kahit na ano tungkol doon.”
“Tama… hindi ganoon. Teka… naisip mo ba kung bakit pinatay
ka na niya pero nagpapakahirap pa rin si Tandang Eleazar na panatilihin kang
buhay?”
“Tama na, Linus…”
“Sige, titigil na ako, Nero… Teka… sigurado ka ba na Nero
ang gusto mong itawag ko sa iyo? Iyon ka ba talaga o…” binitin niya ang kanyang
pagsasalita. Kumalas siya mula sa pagkakayakap niya sa akin. Itinaas niya ang
baba ko para magtama ang aming mga paningin. “Ginagamit mo lang ang mga natirang alaala ng utak diyan sa ulo mo para
paglaruan ang damdamin ko?”
A-Ano’ng pinagsasabi niya? Ako si Nero! Hindi ako
maaaring maging ang Guren ni Lolo Eleazar! Wala akong espesyal na talento. Ni
hindi ko pa kayang magpagalaw ng bangkay!
Sinapo ni Linus ang magkabila kong pisngi. “Wala naman
talaga akong pakialam kung sino ka dahil nahulog na ang loob ko sa iyo… kaya
huwag ka nang umiyak.”
“Hindi ako—”
May pinahid si Linus mula sa pisngi ko. “Sa ipinapakita
mong katigasan, mas lalo tuloy kitang gustong saktan.”
Hinila niya ako papalapit muli sa dulo ng bangin at bigla
niya akong tinulak. Nahulog ako sa tubig. Sinubukan kong makaahon ngunit hindi
ako nagtagumpay.
Habang naghihirap ako sa paghinga, unti-unti akong
nababalot ng mga bola ng liwanag. Nagmula iyon sa napakaraming kristal na nasa
ilalim ko.
Ipinikit ko na ang aking mga mata.
***
Napamulagat ako natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga
sa konkretong sahig. Nanginginig ako. Naririnig ko ang mga ngipin ko na
nagkikiskisan. Matagal ko nang hindi nararanasan kung paano ang lamigin. Hindi
ako handa…
Pinilit kong tumayo. Sinuri ko ang sarili ko. Kung ano
ang naaalala kong huli kong kasuotan ay iyon pa din naman ang suot ko. Dinama
ko ang aking dibdib. Marahang pumupintig ang puso ko gaya ng dati ngunit parang
may kulang. Nawawala ang sugat na matagal nang nagpapahirap sa akin!
Ano’ng nangyari? Ano’ng ginawa sa akin ni Linus at…
nasaan ako?
Mataas na kisame, pader na gawa sa adobe, eleganteng mga
haligi at bintana, mga estatwang anghel na gawa sa marmol, mga kandila sa
kandelabra, at mga pintong may hinang na tanso… Imposibleng nasa disyerto ako.
Walang ganitong lugar sa disyerto!
Napayakap ako sa sarili ko habang binabagtas ko ang
mahabang pasilyo. Nang tumingin ako sa may bintana, ang tanging nakikita kong
kulay ay puti. Mayroong unos. Umiihip nang malakas ang hangin at dinig na dinig
ko ang pagbayo niyon sa salamin ng bintana.
Hindi ako mapalagay. Maya’t maya ako kung lumingon sa
aking likuran. Pakiramdam ko ay hindi ako ligtas dito. Kailangan kong maghanap
ng mapagtataguan!
Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto na
pinakamalapit sa akin at saka ako maingat na pumasok sa loob.
Hindi sinasadyang nakawit ang bahagi ng braso ko ng
nakausling bakal mula sa loob na kandado ng pinto. Nakaramdam ang balat ko ng
hapdi kasabay ng pagguhit doon ng kulay pula.
Tinitigan ko ang sariwa kong sugat. Bumalik na bang
talaga ang pandama ng aking balat? Ibig bang sabihin niyon ay ordinaryong tao
na akong muli?
Pinahid ko ang dugo. Nagtaka ako dahil hindi ko makita
ang sugat ko. Iniisip ko na baka namalik-mata lang ako kaya diniinan ko pa ang
bahaging may natirang bakas ng dugo. Hindi na masakit. Tila mabilis na naghilom ang sugat ko. Paano
naging posible ang bagay na iyon?
Kailangan ko ng sagot at alam kong si Linus lang ang may
alam ng lahat ng nangyayaring ito dahil siya ang pinakahuli kong nakasama doon
sa bukal.
Nagbago na ang isip ko. Hindi na ako magtatago. Ayoko nang
maduwag sa mga bagay na hindi ko pa naman naeengkuwentro.
“Linus?” Sinumulan ko ang pagtawag sa pangalan niya
pagkalabas ko ng silid na wala namang kalaman-laman. Wala na akong pakialam
kung sino man ang dumating dahil sa boses kong umaalingawngaw. Sa kasamaang
palad ay walang nangyayari. Nanatili akong nag-iisa.
Pagdating ko sa pinakadulo ng pasilyo ay may likuan. May
naririnig akong mahinang musika. Habang patuloy ako sa paglalakad, palakas nang
palakas sa pandinig ko ang musikang iyon. Iyon ang sinundan ko hanggang sa
makarating ako sa pinakahuling pinto sa dulo.
Binuksan ko kaagad ang pinto dahil nakakasiguro ako na
may tao sa loob—ah, hindi lang iisang tao. Sa ganda at lakas ng musika,
tinitiyak kong isang pangkat ng mga manunugtog ang nandoroon.
Isa na namang napakaluwang na kuwarto ang bumungad sa
akin. Sa isang bahagi ay may grupong nagtatanghal ng musika. Tama ako na iisang
pangkat ng mga manunugtog ang nandirito, ngunit mali rin.
Bawat isa sa mga tumutugtog ng musika ay napakaputla ng
kutis at ang ilang bahagi pa ng balat nila ay may kahalo nang kulay berde at
lila. Ang mga mata ng ila ay lubog habang ang ilan ay nakaluwa. Gumagalaw sila
ngunit hindi maitatago ng kanilang anyo na sila ay pawang mga bangkay na.
Natigilan ako nang huminto ang isang nasa harapan nila na
siyang kumukumpas para sa buong grupo. Lumingon siya sa akin. Hindi siya
mukhang bangkay ngunit papunta na roon gawa ng maputla niyang kutis at
nangingitim na ilalim ng kanyang mga mata. Ni walang tumatamang liwanag sa
kanyang mga mata kaya nakakakilabot ang malapad niyang ngiti. Puti na ang
karamihan sa kanyang buhok ngunit hindi siya mukhang matanda. Wala akong makita
ni isang kulubot sa kanya. Paris ng kanyang grupo, nakasuot siya ng magarang
damit na kulay itim.
“Gusto ko ang taglamig dahil kahit paano ay napepreserba
ng temperatura ang mga bangkay… dahil doon, nagagawa ng aking orkestra na
tumugtog!”
Para bang matagal na kaming magkakilala kung kausapin
niya ako. Wala siyang iniwan kay Linus. Nainip siya nang hindi ako sumagot kaya
muli siyang nagsalita. “Nagustuhan mo ba ang aming musika? Minsan lang sa isang
taon ang aming pagtatanghal kaya masuwerte ka.”
“Hindi ako interesado sa musika ninyo,” sagot ko. “Gusto
ko lang malaman kung nasaang lupalop na ako. Bakit ako nandito?”
“Ahh!” Nagkunwari siyang nagulat na para bang ngayon lang
niya narinig sa buong buhay niya ang tanong ko. Pagkatapos ay ngumiti na naman
siya.
“Nandito ka sa iyong tahanan. Dito ka na panghabambuhay sa piling ko.”
***
Friday, February 20, 2015
Subscribe to:
Posts (Atom)