Friday, March 13, 2015
Sunday, March 1, 2015
The Undead Teaser
** This is just a teaser. I may continue writing months from now (Sorry, I am still writing 2 more on-going novels). http://thenecromancerbin.weebly.com/
The Undead
by CJ Dee
(A Sequel to The Necromancer)
Kabanata Isa
Isang magandang tanawin ng mga kristal sa ilalim ng bayan
kung saan ako nagmula; Isang malaking uka na sumira ng maraming buhay at
samahan. Dito ko piniling tapusin ang lahat at ang akala ko ay pareho kami ng
kagustuhan ni Linus.
Bigla niyang binitawan ang kamay ko nang nasa pinakadulo
na kami ng bangin. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang tubig at ang
mga kristal na nasa ilalim.
Sinubukan kong muling hawakan ang kamay ni Linus ngunit
hindi iyon nangyari.
Nagbago na naman ang kanyang aura. Hindi ko maiwasang
matakot sa mga mata niyang mabalasik. Lumikot ang mga mata ko habang pinipilit
kong manatiling kalmado. Iniisip ko kung ilang hakbang ang kailangan upang
makabalik ako sa hagdanan at kung gaano kabilis.
“Iniisip mo bang takasan ako, Nero?” Nakangiting tanong
na akin ni Linus.
Humakbang ako ng isa paatras. “Sabihin mo nga kung paano
mo nalalaman ang iniisip ko? Kakayahan ba iyon ng mga Nigromante? Likas ba o
obligasyon?”
Umiling-iling si Linus. Sa isang hakbang lang niya ay
nagkalapit na kaming muli. Hinawakan niya ako sa aking braso. “Bakit mo naman
ako tatakasan? Ikaw ay alipin ko. Akin ka. Ano’t nagmamatigas ka na naman?”
“Hindi mo sinagot ang tanong ko kaya wala akong pakialam
sa tanong mo.”
Nagkunot-noo si Linus. “Hindi ba sinabi ko na? Ayokong pag-usapan
natin ang mga bagay na patungkol sa Nekromansiya?”
“Sinungaling ka kaya puwede rin akong magsinungaling,
tama? Bitawan mo ako. Binabawi ko ang lahat ng sinabi ko. Wala akong isang
salita kaya hindi ka dapat naniniwala sa akin. Hindi ko masisikmura na maging
alipin ng isang tulad mo. Mas gugustuhin ko pang matusta sa sikat ng araw kaysa
ang maging pag-aari mo.”
Sa mga sinabi ko, sigurado kong nainis ko si Linus.
Nakita kong nagtagis ang kanyang bagang. “Nero… ginagawa ko ang lahat para
hindi ka masaktan.”
“Hindi ako marunong masaktan kaya manahimik ka at
pabayaan mo na ako.”
Marami pa akong naiisip na masasakit na magandang sabihin
sa kanya pero natigilan ako at nablangkong muli nang bigla niya akong niyakap.
“Nagbago na ang isip ko… gusto na kitang saktan at hindi
ko na pipigilan pa ang sarili ko,” bulong sa akin ni Linus sa malamig na tono
ngunit hindi ako nababahala. Sa paanong paraan niya ako masasaktan? Wala akong
maisip kaya naghintay ako.
“Si Tandang Eleazar… hindi siya namatay dahil sa
katandaan. Pinatay ko siya,”
nanatiling pabulong ang pagsasalita ni Linus.
“Naisip ko na rin iyan,” kalmado ko namang sabi. Hindi ko
na kailangang kumpirmahin na ginawa niya iyon para lang makalapit sa akin tutal
alam na alam ko nang ibang klase ang kanyang obsesyon. Mapanirang obsesyon.
“Pinatay ko siya
dahil gusto kong mapasaakin ang kanyang Guren.”
Wala pa sa aktwal na katotohanan ang sinabi ni Linus pero
nagsimula na akong mabahala.
“Nero, pag-usapan natin ang mga nalaman mo sa kasaysayan
ng Nekromansiya… Alam mo bang ang mga pinakamataas na nigromante ay sinasabi
nilang may kakayahang makipagtalastasan sa mga ispirito?”
“A-Alam ko. N-Nabasa ko…”
“Hmm? Kinakabahan ka ba? Huwag ka munang masyadong
nag-iisip. Hindi pa ako tapos sa sinasabi ko… Ah! Alam mo ba kung paano nila
napapanatili sa kanilang tabi ang ispiritong gabay? Kinakausap sa hangin na
parang multo?”
“Wala akong nabasang kahit na ano tungkol doon.”
“Tama… hindi ganoon. Teka… naisip mo ba kung bakit pinatay
ka na niya pero nagpapakahirap pa rin si Tandang Eleazar na panatilihin kang
buhay?”
“Tama na, Linus…”
“Sige, titigil na ako, Nero… Teka… sigurado ka ba na Nero
ang gusto mong itawag ko sa iyo? Iyon ka ba talaga o…” binitin niya ang kanyang
pagsasalita. Kumalas siya mula sa pagkakayakap niya sa akin. Itinaas niya ang
baba ko para magtama ang aming mga paningin. “Ginagamit mo lang ang mga natirang alaala ng utak diyan sa ulo mo para
paglaruan ang damdamin ko?”
A-Ano’ng pinagsasabi niya? Ako si Nero! Hindi ako
maaaring maging ang Guren ni Lolo Eleazar! Wala akong espesyal na talento. Ni
hindi ko pa kayang magpagalaw ng bangkay!
Sinapo ni Linus ang magkabila kong pisngi. “Wala naman
talaga akong pakialam kung sino ka dahil nahulog na ang loob ko sa iyo… kaya
huwag ka nang umiyak.”
“Hindi ako—”
May pinahid si Linus mula sa pisngi ko. “Sa ipinapakita
mong katigasan, mas lalo tuloy kitang gustong saktan.”
Hinila niya ako papalapit muli sa dulo ng bangin at bigla
niya akong tinulak. Nahulog ako sa tubig. Sinubukan kong makaahon ngunit hindi
ako nagtagumpay.
Habang naghihirap ako sa paghinga, unti-unti akong
nababalot ng mga bola ng liwanag. Nagmula iyon sa napakaraming kristal na nasa
ilalim ko.
Ipinikit ko na ang aking mga mata.
***
Napamulagat ako natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga
sa konkretong sahig. Nanginginig ako. Naririnig ko ang mga ngipin ko na
nagkikiskisan. Matagal ko nang hindi nararanasan kung paano ang lamigin. Hindi
ako handa…
Pinilit kong tumayo. Sinuri ko ang sarili ko. Kung ano
ang naaalala kong huli kong kasuotan ay iyon pa din naman ang suot ko. Dinama
ko ang aking dibdib. Marahang pumupintig ang puso ko gaya ng dati ngunit parang
may kulang. Nawawala ang sugat na matagal nang nagpapahirap sa akin!
Ano’ng nangyari? Ano’ng ginawa sa akin ni Linus at…
nasaan ako?
Mataas na kisame, pader na gawa sa adobe, eleganteng mga
haligi at bintana, mga estatwang anghel na gawa sa marmol, mga kandila sa
kandelabra, at mga pintong may hinang na tanso… Imposibleng nasa disyerto ako.
Walang ganitong lugar sa disyerto!
Napayakap ako sa sarili ko habang binabagtas ko ang
mahabang pasilyo. Nang tumingin ako sa may bintana, ang tanging nakikita kong
kulay ay puti. Mayroong unos. Umiihip nang malakas ang hangin at dinig na dinig
ko ang pagbayo niyon sa salamin ng bintana.
Hindi ako mapalagay. Maya’t maya ako kung lumingon sa
aking likuran. Pakiramdam ko ay hindi ako ligtas dito. Kailangan kong maghanap
ng mapagtataguan!
Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto na
pinakamalapit sa akin at saka ako maingat na pumasok sa loob.
Hindi sinasadyang nakawit ang bahagi ng braso ko ng
nakausling bakal mula sa loob na kandado ng pinto. Nakaramdam ang balat ko ng
hapdi kasabay ng pagguhit doon ng kulay pula.
Tinitigan ko ang sariwa kong sugat. Bumalik na bang
talaga ang pandama ng aking balat? Ibig bang sabihin niyon ay ordinaryong tao
na akong muli?
Pinahid ko ang dugo. Nagtaka ako dahil hindi ko makita
ang sugat ko. Iniisip ko na baka namalik-mata lang ako kaya diniinan ko pa ang
bahaging may natirang bakas ng dugo. Hindi na masakit. Tila mabilis na naghilom ang sugat ko. Paano
naging posible ang bagay na iyon?
Kailangan ko ng sagot at alam kong si Linus lang ang may
alam ng lahat ng nangyayaring ito dahil siya ang pinakahuli kong nakasama doon
sa bukal.
Nagbago na ang isip ko. Hindi na ako magtatago. Ayoko nang
maduwag sa mga bagay na hindi ko pa naman naeengkuwentro.
“Linus?” Sinumulan ko ang pagtawag sa pangalan niya
pagkalabas ko ng silid na wala namang kalaman-laman. Wala na akong pakialam
kung sino man ang dumating dahil sa boses kong umaalingawngaw. Sa kasamaang
palad ay walang nangyayari. Nanatili akong nag-iisa.
Pagdating ko sa pinakadulo ng pasilyo ay may likuan. May
naririnig akong mahinang musika. Habang patuloy ako sa paglalakad, palakas nang
palakas sa pandinig ko ang musikang iyon. Iyon ang sinundan ko hanggang sa
makarating ako sa pinakahuling pinto sa dulo.
Binuksan ko kaagad ang pinto dahil nakakasiguro ako na
may tao sa loob—ah, hindi lang iisang tao. Sa ganda at lakas ng musika,
tinitiyak kong isang pangkat ng mga manunugtog ang nandoroon.
Isa na namang napakaluwang na kuwarto ang bumungad sa
akin. Sa isang bahagi ay may grupong nagtatanghal ng musika. Tama ako na iisang
pangkat ng mga manunugtog ang nandirito, ngunit mali rin.
Bawat isa sa mga tumutugtog ng musika ay napakaputla ng
kutis at ang ilang bahagi pa ng balat nila ay may kahalo nang kulay berde at
lila. Ang mga mata ng ila ay lubog habang ang ilan ay nakaluwa. Gumagalaw sila
ngunit hindi maitatago ng kanilang anyo na sila ay pawang mga bangkay na.
Natigilan ako nang huminto ang isang nasa harapan nila na
siyang kumukumpas para sa buong grupo. Lumingon siya sa akin. Hindi siya
mukhang bangkay ngunit papunta na roon gawa ng maputla niyang kutis at
nangingitim na ilalim ng kanyang mga mata. Ni walang tumatamang liwanag sa
kanyang mga mata kaya nakakakilabot ang malapad niyang ngiti. Puti na ang
karamihan sa kanyang buhok ngunit hindi siya mukhang matanda. Wala akong makita
ni isang kulubot sa kanya. Paris ng kanyang grupo, nakasuot siya ng magarang
damit na kulay itim.
“Gusto ko ang taglamig dahil kahit paano ay napepreserba
ng temperatura ang mga bangkay… dahil doon, nagagawa ng aking orkestra na
tumugtog!”
Para bang matagal na kaming magkakilala kung kausapin
niya ako. Wala siyang iniwan kay Linus. Nainip siya nang hindi ako sumagot kaya
muli siyang nagsalita. “Nagustuhan mo ba ang aming musika? Minsan lang sa isang
taon ang aming pagtatanghal kaya masuwerte ka.”
“Hindi ako interesado sa musika ninyo,” sagot ko. “Gusto
ko lang malaman kung nasaang lupalop na ako. Bakit ako nandito?”
“Ahh!” Nagkunwari siyang nagulat na para bang ngayon lang
niya narinig sa buong buhay niya ang tanong ko. Pagkatapos ay ngumiti na naman
siya.
“Nandito ka sa iyong tahanan. Dito ka na panghabambuhay sa piling ko.”
***
Subscribe to:
Posts (Atom)