Sunday, March 1, 2015

The Undead Teaser

** This is just a teaser. I may continue writing months from now (Sorry, I am still writing 2 more on-going novels). http://thenecromancerbin.weebly.com/





The Undead
by CJ Dee

(A Sequel to The Necromancer)


Kabanata Isa

Isang magandang tanawin ng mga kristal sa ilalim ng bayan kung saan ako nagmula; Isang malaking uka na sumira ng maraming buhay at samahan. Dito ko piniling tapusin ang lahat at ang akala ko ay pareho kami ng kagustuhan ni Linus.

Bigla niyang binitawan ang kamay ko nang nasa pinakadulo na kami ng bangin. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang tubig at ang mga kristal na nasa ilalim.

Sinubukan kong muling hawakan ang kamay ni Linus ngunit hindi iyon nangyari.

Nagbago na naman ang kanyang aura. Hindi ko maiwasang matakot sa mga mata niyang mabalasik. Lumikot ang mga mata ko habang pinipilit kong manatiling kalmado. Iniisip ko kung ilang hakbang ang kailangan upang makabalik ako sa hagdanan at kung gaano kabilis.

“Iniisip mo bang takasan ako, Nero?” Nakangiting tanong na akin ni Linus.

Humakbang ako ng isa paatras. “Sabihin mo nga kung paano mo nalalaman ang iniisip ko? Kakayahan ba iyon ng mga Nigromante? Likas ba o obligasyon?”

Umiling-iling si Linus. Sa isang hakbang lang niya ay nagkalapit na kaming muli. Hinawakan niya ako sa aking braso. “Bakit mo naman ako tatakasan? Ikaw ay alipin ko. Akin ka. Ano’t nagmamatigas ka na naman?”

“Hindi mo sinagot ang tanong ko kaya wala akong pakialam sa tanong mo.”

Nagkunot-noo si Linus. “Hindi ba sinabi ko na? Ayokong pag-usapan natin ang mga bagay na patungkol sa Nekromansiya?”

“Sinungaling ka kaya puwede rin akong magsinungaling, tama? Bitawan mo ako. Binabawi ko ang lahat ng sinabi ko. Wala akong isang salita kaya hindi ka dapat naniniwala sa akin. Hindi ko masisikmura na maging alipin ng isang tulad mo. Mas gugustuhin ko pang matusta sa sikat ng araw kaysa ang maging pag-aari mo.”

Sa mga sinabi ko, sigurado kong nainis ko si Linus. Nakita kong nagtagis ang kanyang bagang. “Nero… ginagawa ko ang lahat para hindi ka masaktan.”

“Hindi ako marunong masaktan kaya manahimik ka at pabayaan mo na ako.”

Marami pa akong naiisip na masasakit na magandang sabihin sa kanya pero natigilan ako at nablangkong muli nang bigla niya akong niyakap.

“Nagbago na ang isip ko… gusto na kitang saktan at hindi ko na pipigilan pa ang sarili ko,” bulong sa akin ni Linus sa malamig na tono ngunit hindi ako nababahala. Sa paanong paraan niya ako masasaktan? Wala akong maisip kaya naghintay ako.

“Si Tandang Eleazar… hindi siya namatay dahil sa katandaan. Pinatay ko siya,” nanatiling pabulong ang pagsasalita ni Linus.

“Naisip ko na rin iyan,” kalmado ko namang sabi. Hindi ko na kailangang kumpirmahin na ginawa niya iyon para lang makalapit sa akin tutal alam na alam ko nang ibang klase ang kanyang obsesyon. Mapanirang obsesyon.

“Pinatay ko siya dahil gusto kong mapasaakin ang kanyang Guren.”

Wala pa sa aktwal na katotohanan ang sinabi ni Linus pero nagsimula na akong mabahala.

“Nero, pag-usapan natin ang mga nalaman mo sa kasaysayan ng Nekromansiya… Alam mo bang ang mga pinakamataas na nigromante ay sinasabi nilang may kakayahang makipagtalastasan sa mga ispirito?”

“A-Alam ko. N-Nabasa ko…”

“Hmm? Kinakabahan ka ba? Huwag ka munang masyadong nag-iisip. Hindi pa ako tapos sa sinasabi ko… Ah! Alam mo ba kung paano nila napapanatili sa kanilang tabi ang ispiritong gabay? Kinakausap sa hangin na parang multo?”

“Wala akong nabasang kahit na ano tungkol doon.”

“Tama… hindi ganoon. Teka… naisip mo ba kung bakit pinatay ka na niya pero nagpapakahirap pa rin si Tandang Eleazar na panatilihin kang buhay?”

“Tama na, Linus…”

“Sige, titigil na ako, Nero… Teka… sigurado ka ba na Nero ang gusto mong itawag ko sa iyo? Iyon ka ba talaga o…” binitin niya ang kanyang pagsasalita. Kumalas siya mula sa pagkakayakap niya sa akin. Itinaas niya ang baba ko para magtama ang aming mga paningin. “Ginagamit mo lang ang mga natirang alaala ng utak diyan sa ulo mo para paglaruan ang damdamin ko?”

A-Ano’ng pinagsasabi niya? Ako si Nero! Hindi ako maaaring maging ang Guren ni Lolo Eleazar! Wala akong espesyal na talento. Ni hindi ko pa kayang magpagalaw ng bangkay!

Sinapo ni Linus ang magkabila kong pisngi. “Wala naman talaga akong pakialam kung sino ka dahil nahulog na ang loob ko sa iyo… kaya huwag ka nang umiyak.”

“Hindi ako—”

May pinahid si Linus mula sa pisngi ko. “Sa ipinapakita mong katigasan, mas lalo tuloy kitang gustong saktan.”

Hinila niya ako papalapit muli sa dulo ng bangin at bigla niya akong tinulak. Nahulog ako sa tubig. Sinubukan kong makaahon ngunit hindi ako nagtagumpay.

Habang naghihirap ako sa paghinga, unti-unti akong nababalot ng mga bola ng liwanag. Nagmula iyon sa napakaraming kristal na nasa ilalim ko.

Ipinikit ko na ang aking mga mata.

***

Napamulagat ako natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga sa konkretong sahig. Nanginginig ako. Naririnig ko ang mga ngipin ko na nagkikiskisan. Matagal ko nang hindi nararanasan kung paano ang lamigin. Hindi ako handa…

Pinilit kong tumayo. Sinuri ko ang sarili ko. Kung ano ang naaalala kong huli kong kasuotan ay iyon pa din naman ang suot ko. Dinama ko ang aking dibdib. Marahang pumupintig ang puso ko gaya ng dati ngunit parang may kulang. Nawawala ang sugat na matagal nang nagpapahirap sa akin!


Ano’ng nangyari? Ano’ng ginawa sa akin ni Linus at… nasaan ako?

Mataas na kisame, pader na gawa sa adobe, eleganteng mga haligi at bintana, mga estatwang anghel na gawa sa marmol, mga kandila sa kandelabra, at mga pintong may hinang na tanso… Imposibleng nasa disyerto ako. Walang ganitong lugar sa disyerto!

Napayakap ako sa sarili ko habang binabagtas ko ang mahabang pasilyo. Nang tumingin ako sa may bintana, ang tanging nakikita kong kulay ay puti. Mayroong unos. Umiihip nang malakas ang hangin at dinig na dinig ko ang pagbayo niyon sa salamin ng bintana.

Hindi ako mapalagay. Maya’t maya ako kung lumingon sa aking likuran. Pakiramdam ko ay hindi ako ligtas dito. Kailangan kong maghanap ng mapagtataguan!

Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto na pinakamalapit sa akin at saka ako maingat na pumasok sa loob.

Hindi sinasadyang nakawit ang bahagi ng braso ko ng nakausling bakal mula sa loob na kandado ng pinto. Nakaramdam ang balat ko ng hapdi kasabay ng pagguhit doon ng kulay pula.

Tinitigan ko ang sariwa kong sugat. Bumalik na bang talaga ang pandama ng aking balat? Ibig bang sabihin niyon ay ordinaryong tao na akong muli?

Pinahid ko ang dugo. Nagtaka ako dahil hindi ko makita ang sugat ko. Iniisip ko na baka namalik-mata lang ako kaya diniinan ko pa ang bahaging may natirang bakas ng dugo. Hindi na masakit.  Tila mabilis na naghilom ang sugat ko. Paano naging posible ang bagay na iyon?

Kailangan ko ng sagot at alam kong si Linus lang ang may alam ng lahat ng nangyayaring ito dahil siya ang pinakahuli kong nakasama doon sa bukal.

Nagbago na ang isip ko. Hindi na ako magtatago. Ayoko nang maduwag sa mga bagay na hindi ko pa naman naeengkuwentro.

“Linus?” Sinumulan ko ang pagtawag sa pangalan niya pagkalabas ko ng silid na wala namang kalaman-laman. Wala na akong pakialam kung sino man ang dumating dahil sa boses kong umaalingawngaw. Sa kasamaang palad ay walang nangyayari. Nanatili akong nag-iisa.

Pagdating ko sa pinakadulo ng pasilyo ay may likuan. May naririnig akong mahinang musika. Habang patuloy ako sa paglalakad, palakas nang palakas sa pandinig ko ang musikang iyon. Iyon ang sinundan ko hanggang sa makarating ako sa pinakahuling pinto sa dulo.

Binuksan ko kaagad ang pinto dahil nakakasiguro ako na may tao sa loob—ah, hindi lang iisang tao. Sa ganda at lakas ng musika, tinitiyak kong isang pangkat ng mga manunugtog ang nandoroon.

Isa na namang napakaluwang na kuwarto ang bumungad sa akin. Sa isang bahagi ay may grupong nagtatanghal ng musika. Tama ako na iisang pangkat ng mga manunugtog ang nandirito, ngunit mali rin.

Bawat isa sa mga tumutugtog ng musika ay napakaputla ng kutis at ang ilang bahagi pa ng balat nila ay may kahalo nang kulay berde at lila. Ang mga mata ng ila ay lubog habang ang ilan ay nakaluwa. Gumagalaw sila ngunit hindi maitatago ng kanilang anyo na sila ay pawang mga bangkay na.

Natigilan ako nang huminto ang isang nasa harapan nila na siyang kumukumpas para sa buong grupo. Lumingon siya sa akin. Hindi siya mukhang bangkay ngunit papunta na roon gawa ng maputla niyang kutis at nangingitim na ilalim ng kanyang mga mata. Ni walang tumatamang liwanag sa kanyang mga mata kaya nakakakilabot ang malapad niyang ngiti. Puti na ang karamihan sa kanyang buhok ngunit hindi siya mukhang matanda. Wala akong makita ni isang kulubot sa kanya. Paris ng kanyang grupo, nakasuot siya ng magarang damit na kulay itim.

“Gusto ko ang taglamig dahil kahit paano ay napepreserba ng temperatura ang mga bangkay… dahil doon, nagagawa ng aking orkestra na tumugtog!”

Para bang matagal na kaming magkakilala kung kausapin niya ako. Wala siyang iniwan kay Linus. Nainip siya nang hindi ako sumagot kaya muli siyang nagsalita. “Nagustuhan mo ba ang aming musika? Minsan lang sa isang taon ang aming pagtatanghal kaya masuwerte ka.”

“Hindi ako interesado sa musika ninyo,” sagot ko. “Gusto ko lang malaman kung nasaang lupalop na ako. Bakit ako nandito?”

“Ahh!” Nagkunwari siyang nagulat na para bang ngayon lang niya narinig sa buong buhay niya ang tanong ko. Pagkatapos ay ngumiti na naman siya.

“Nandito ka sa iyong tahanan. Dito ka na panghabambuhay sa piling ko.”


***

No comments:

Post a Comment